Robin Padilla, nananatiling naka-red alert ang seguridad matapos kumalat ang online campaign laban sa kanya

 


Sinabi ni Senador Robin Padilla na nananatiling naka-red alert ang kanyang security team matapos umabot sa mahigit 30,000 katao ang lumahok sa isang online campaign na may temang pagsunog umano sa kanya.

Nabuo ang naturang campaign matapos ipahayag ni Padilla ang kanyang katapatan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa isang pabirong pahayag, sinabi ng senador na kahit sunugin siya ay maaamoy pa rin umano sa kanya si Duterte.

Ayon kay Padilla, seryosong tinrato ng kanyang security team ang nasabing online campaign dahil may posibilidad umanong magamit ito ng mga taong may masamang balak laban sa kanya.

Dahil dito, hinigpitan umano ang seguridad sa lahat ng kanyang pinupuntahan at hanggang sa kasalukuyan ay naka-red alert pa rin ang kanyang mga security personnel.

Ibinunyag din ni Padilla na una nilang pinag-usapan ng kanyang pamilya ang paghahain ng kaso laban sa mga nagpasimula at nagpalaganap ng naturang campaign. Gayunman, napagdesisyunan nilang huwag na itong ituloy dahil ayaw nilang magmukhang labis na sensitibo sa mga kritisismo.

Sa halip, pinili na lamang umano nilang huwag nang magsampa ng reklamong cyberlibel laban sa mga sangkot sa pagpapalaganap ng naturang online campaign.

Post a Comment

0 Comments