Jinggoy Estrada, dinala sa ospital matapos makaranas ng pananakit ng tuhod

Dinala sa ospital si Senador Jinggoy Estrada nitong Miyerkules, Agosto 26, matapos makaranas ng matinding pananakit sa kanyang tuhod habang nasa detention facility.

Kasalukuyang nasa Cardinal Santos Medical Center si Estrada para sa nakatakda niyang knee X-ray examination. Nakitang inalalayan siya ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) habang naglalakad papasok sa ospital.


Una nang lumabas ang ulat na napinsala umano ang tuhod ni Estrada habang naliligo. Gayunman, nilinaw ni BJMP spokesperson Jayrex Bustinera na nangyari ang insidente habang naghahanda ang senador para sa kanyang court-mandated medical check-up.

Ayon kay Bustinera, bandang alas-11:30 ng umaga nang makarinig umano si Estrada ng parang “snap” o pagkalagutok sa kanyang tuhod habang naglalakad, na sinundan ng matinding pananakit.

May dati nang kondisyon si Estrada na osteoarthritis at joint effusion sa magkabilang tuhod.

Noong Agosto 24, pinayagan ng Sandiganbayan Fifth Division si Estrada na sumailalim sa medical examination sa Cardinal Santos Medical Center kaugnay ng kanyang kondisyon.

Nasa kustodiya si Estrada matapos arestuhin noong Hunyo 1, 2026 kaugnay ng mga kasong plunder at graft na may kinalaman umano sa P573 milyong iligal na kickback mula sa mga flood control project.

Post a Comment

0 Comments